MAYNILA - Nakikita ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na naging maayos ang unang araw ng implementasyon ng alert level system sa ilang lalawigan.
Ayon kay Quirino Gov. Dakila Cua, ang national president ng ULAP, matagal naman nang pinag-usapan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng alert level system sa labas ng Metro Manila.
Noon pa man aniya ay nakikiusap na si Cua sa Department of the Interior and Local Government na magbigay ng webinar kung paano ipatutupad ang mga bagong panuntunan kontra COVID-19, kaya kahit papano ay naging handa na ang ilang lugar.
“In my own experience, okay naman. Kasi, to be honest, matagal naman na itong pinag-uusapan. Noong nagpa-pilot pa lang ang NCR ng alert level system, binabanggit na nga na eventually, lahat pupunta doon,” sabi ni Cua sa panayam ng ABS-CBN News nitong Huwebes.
Nauna nang umalma si Marindique Gov. Presbitero Velasco Jr., pangulo ng League of Provinces of the Philippines, sa biglaang pagpapatupad ng alert level system.
Kailangan aniya ng sapat na panahon para pag-aralan kung paano ipatutupad ang mga bagong panuntunan, kaya humihiling siyang ipagpaliban hanggang sa Nobyembre ang implementasyon.
“May agam-agam po tayong mga gobernador na maaapektuhan po nang bigla na pag-implement nitong alert level system,” ani Velasco sa panayam ng TeleRadyo nitong Miyerkoles.
Dagdag niya: “Kaya po, hinihiling po natin na baka mga November 1 na po ang effective date ng implementation para po makagawa ng mga kaniya-kaniyang executive order ang mga local chief executives at para matingnan din po kung ano ‘yung reasonable regulations na puwede nilang i-impose.”
Ayon kay Cua, nakapag-sumite na ng opisyal na sulat ang liga sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Sinusuportahan niya umano ang mga kasamahang gobernador sa kanilang kahilingan, pero marapat lang sundin muna kung ano ang kautusan sa ngayon ng Palasyo.
“Ako, the way I see it, we follow what the IATF has enacted unless it is changed. So, kung medyo nahuli ang ating panawagan at na-implement na, it’s their (IATF) power naman to adjust it,” ani Cua.
“We have to wait for their official action. Ako, ang default ko, the way I would act on the current situation is, I would just stick to what has been issued until further adjustment,” dagdag niya.
Sa press briefing, sinabi ni IATF spokesperson Sec. Harry Roque na hindi pa tinatalakay ang apela ng mga gobernador dahil nagkaroon naman umano ng konsultasyon sa mga lalawigan na isinailalim sa alert level system.
“Lilinawin ko lang po ha, lahat po ng mga rehiyon at mga probinsya na magpapatupad ng alert level system, kinonsulta po ang mga LGUs. Hindi po siguro nakonsulta ang buong League of Governors kasi hindi naman po i-implement sa lahat ng probinsya ang alert level system," aniya.
"Pero ‘yung mga lugar, ‘yung mga expanded pilot areas po, nakonsulta po sila dahil ang mga lokal na pamahalaan naman po ang magpapatupad nitong alert level system."
Simula Oktubre 20 hanggang 31, epektibo ang mga sumusunod na alert level sa mga sumusunod na lugar:
- Alert Level 4 - Negros Oriental, Davao Occidental
- Alert Level 3 - Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City, Davao del Norte
- Alert Level 2 - Batangas, Quezon province, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu province, Davao de Oro, Davao del Sur, Davao Oriental
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.