PatrolPH

Duque nagbabala sa mga COVID-19 'super spreader' event

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2021 06:11 PM | Updated as of Oct 21 2021 06:47 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala ngayong Huwebes si Health Secretary Francisco Duque III sa mga "super spreader event" na maaaring magparami ng mga kaso ng COVID-19 sa mga susunod na buwan.

Binitawan ng kalihim ang babala ngayong dinadagsa ng maraming tao ang ilang pampublikong lugar, gaya ng "dolomite beach" sa Manila Baywalk.

"These are super spreader events. This is potential for a possible surge in the future," ani Duque.

"Hopefully we continue to discipline ourselves and comply with the minimum public health standards," dagdag niya.

Pero ayon kay Duque, kung magtutuloy-tuloy naman ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, posibleng mailagay sa mas mababang alert level ang National Capital Region sa Disyembre.

"We hope that this would continue and a downward trend becomes more definitive so that we will be able to deescalate from Alert Level 3," aniya.

Ayon sa ABS-CBN Data Analytics, nakakaranas na ng negatibong 2-week growth rate ang lahat ng rehiyon sa bansa. Ibig sabihin, sa nakaraang 2 linggo, mas mababa na ang naitatalang bagong bilang ng mga nagkaka-COVID-19.

Sa Batanes, tuloy-tuloy ang pagbaba ng active cases, na ngayo'y nasa 194 na kompara sa higit 500 noong unang bahagi ng Oktubre.

Ngayong Huwebes, nakapagtala ang Department of Health ng 4,806 bagong kaso ng COVID-19, para sa kabuuang 2,740,111 kumpirmadong kaso, kung saan 65,835 ang active cases.

Kasabay ng nakikitang pagbaba ng bilang ng nagkakasakit, tuloy din ang pagtanggap ng tulong ng Pilipinas mula sa ibang bansa.

Nitong Huwebes, 100 na oxygen concentrators ang pormal na ibinigay ng Australia sa pamahalaan.

Ito na ang ikalawang batch ng oxygen concentrators, na ayon kay Duque ay malaking tulong para mas mapabuti ang kalidad ng pag-alaga sa mga may severe at critical na COVID-19.

Nakatakda ring tumulong ang Australia pagdating sa vaccine procurement. Inaasahang maide-deliver ang tulong na bakuna mula Australia ngayong katapusan ng 2021.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.