Mga tao sa 'dolomite beach' sa Manila Baywalk, Maynila noong Oktubre 17, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News
(UPDATE) Pagsasabihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga mayor, partikular sa Metro Manila, na pabantayan ang mga lugar na madalas dayuhin ng maraming tao sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.
Kasunod ito ng ulat na muling dinagsa ang tinaguriang "dolomite beach" sa Manila Baywalk, gayundin ang mga ulat na may mall na pinapayagan ang mga bata sa kanilang mga playground.
"Papuntahan ng kani-kanilang barangay para mabantayan at mag-ano lang naman, magsita-sita 'pag medyo sumosobra na 'yong pagdikit o tinatanggal na yung face mask. Pagsasabihan lang naman po," sabi sa TeleRadyo ni DILG Undersecretary Epimaco Densing.
Ayon sa opisyal, tingin niya'y na-excite ang mga tao sa biglang pagluluwag.
Pero malinaw naman aniya ang usapan sa Philippine National Police at local government units ukol sa pagpapatupad ng mga minimum health standard laban sa pagkalat ng COVID-19.
Magugunitang isinailalim simula noong Sabado sa COVID-19 Alert Level 3 ang Metro Manila mula sa Alert Level 4.
Ayon kay Densing, mananagot ang mayor kung totoong pinayagan ang establisimyentong magbukas ng playground dahil klaro sa Alert Level 3 guidelines na hindi pa dapat buksan ang mga ito.
Dapat aniyang balaan ang mga establisimyentong sumusuway sa guidelines.
Super-spreader event
Nagbabala rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maaaring maging "super-spreader event" ang pagdagsa ng mga tao sa "dolomite beach."
Dahil dito, magtatalaga ang MMDA ng marshals para tulungan ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources sa pagpapatupad ng health protocols, sabi ni Chairman Benhur Abalos.
Nakabantay na rin sa beach ang Philippine Coast Guard, lalo't bawal pa ring maligo sa Manila Bay.
Sa Marikina, inatasan naman ng city government ang pamunuan ng Riverbanks Center na magtalaga ng health and safety officers para tutukan ang dami ng namamasyal.
Nagtakda na rin umano ng limit sa Riverbanks kahit open area ito.
Aminado si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na nabahala sila dahil excited ang publiko sa paglabas at nakalimutan ang health protocols.
Nagpaalala ang World Health Organization (WHO) na dapat maging maingat ang pamahalaan sa mga hakbang sa harap ng bumababang mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan sa bansa ng WHO, bagaman kinikilala ng WHO ang kahalagahan ng pagbubukas ng ekonomiya, hindi dapat masyadong masigasig sa pagluluwag, lalo't marami pang hawahan sa ilang rehiyon.
Ayon kay Abeyasinghe, dapat samantalahin ang pagbaba ng alert level para palakasin ang COVID-19 response at pataasin ang bilang ng mga mababakunahang senior citizen at may comorbidities.
"We don't want to see a repeat of the scene where we have to go back into lockdowns or movement limitation because of transmissions," ani Abeyasinghe.
"We know that there are several events coming up especially the Christmas season where people will be moving a lot. So we have to be very careful in how we manage the next 2 to 3 months so we can prevent another upswing," dagdag niya.
Sa tala nitong Miyerkoles, umakyat na sa 2,735,369 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 67,061 ang active infections.
Nakapagtala ang Pilipinas nitong Miyerkoles ng 3,656 bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamababang bilang sa loob ng 3 buwan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.