Pagkuha ng gov't contractual workers pinalawig hanggang Disyembre 2022

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2020 02:47 PM | Updated as of Oct 21 2020 07:43 PM

Mga aplikanteng nakapila sa isang employment fair sa Maynila. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

(UPDATE) Pinalawig ng gobyerno hanggang katapusan ng 2022 ang panahon na maaaring kumuha ang mga ahensiya ng mga contract of service at job order workers, sabi ngayong Miyerkoles ni Budget Secretary Wendel Avisado.

Sa panayam ng TeleRadyo, kinumpirma ni Avisado na nilagdaan na niya kasama ang opisyal ng Commission on Audit ang Joint Circular No. 2 tungkol sa bagong patakaran sa contract of services (COS) at job orders (JO) sa gobyerno, na magtatapos na sana ngayong taon.

Watch more in iWantTFC

"Agencies may engage the services of new COS/JO workers through individual contract and renew the individual contracts of their existing COS/JO workers until December 31, 2022," sabi sa circular.

In-extend umano ang hiring dahil sa pandemya at sa pangangailangan na rin ng mga ahensiya ng pamahalaan.

"In light of the challenges brought about by the COVID-19 pandemic affecting the operations of government agencies, there is a need to update the existing policies on the engagement of COS and JO workers to ensure the smooth, effective and efficient delivery of services to the public," sabi sa dokumento.

Gayunman, nilinaw ng DBM na ang patuloy na pagkuha ng contractual workers ng mga tanggapan ng gobyerno ay nakadepende pa rin sa kani-kanilang budget.

Sa tala ng Civil Service Commission (CSC) noong 2019, 669,347 ang mga JO at COS, 95,588 naman ang casual habang 36,546 naman ang contractual.

Umaasa si CSC Commissioner Aileen Lizada na ang extension ng kontrata ng mga kontraktuwal na manggagawa ay mauuwi rin sa regularisasyon.

"Sino ang tumutulong ngayon sa pandemya? JOs. Sino ang hinaharap natin sa fronline jobs? Sino ang pinapapunta natin sa mga lugar or taking positions and tasks quite difficult to do? At the end of the day, 'pag retire, wala silang nakukuha," ani Lizada.

Nanawagan din ang grupong Courage, na samahan ng mga manggagawa sa gobyerno, na maisakatuparan na ang pangako ni Pangulong Duterte na tigilan ang "endo" sa gobyerno man o sa pribadong kompanya.

"Dapat ang mga kawani na ito o manggagawa ay bigyan na ng regular na posisyon," ani Courage National President Santiago Dasmariñas. -- May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.