Nasa 1,500 sasakyang patungong Bicol region, Visayas stranded sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2020 07:35 PM | Updated as of Oct 21 2020 09:44 PM

Mga bangka na lamang ang ginagamit na masasakyan para makatawid sa baha sa Maharlika Highway sa Lopez, Quezon. Dennis Datu, ABS-CBN News

MAYNILA — Nasa 1,500 mga sasakyan na patungong Bicol region at Visayas ang stranded sa highway ng Lopez, Quezon nitong Miyerkoles ng umaga dahil sa mataas na baha matapos ang hagupit ng bagyong Pepito noong Martes ng gabi. 

Mga bangka na lamang ang ginagamit na masasakyan para makatawid sa baha sa Maharlika Highway sa Lopez, Quezon.

Ito ang dahilan kaya lakas-loob na sumakay ng bangka si Maricar Lito na manganganak na mula sa Calauag. Tiniis niya ang hirap para makarating sa ospital.

Watch more in iWantTFC

"Sobrang hirap po kung kalian ganito po... Ang sakit-sakit na po ng tiyan ko," ani Lito. 

Hindi rin makatawid ang ambulansya na pauwi sa Sorsogon kaya ang 54 taong gulang na babaeng pasyente ay isinakay na rin ng bangka.

Inaalala ng mga drayber ng truck ang kanilang mga kargang mga produkto gaya ng baboy at mga isda. Dalawang araw na kasi silang nakatengga sa highway.

Dahil sa dami ng mga sasakyan na hindi makadaan, nagmistulang malawak na parking area na ang Maharlika Highway at Diversion Road.

Sa tala ng Lopez LGU, umaabot na sa 1,500 na mga sasakyan at halos 5,000 mga pasahero ang stranded.

Inabisuhan na ng mga awtoridad ang mga motorista na bumalik na lamang sa pinanggalingan dahil posibleng matagal pa bago humupa ang baha.

Pero marami ang nagdesisyong maghintay na lamang ng paghupa.

Sa tala ng disaster office ng Lopez, 39 na barangay ang binaha sa kanila at higit 3,000 pamilya ang inilikas.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.