Agaw-pansin ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakabiting patiwarik. Tinapos ng mga militanteng grupo ang protesta sa pagsusunog ng naturang effigy. Screengrab
MAYNILA — Iba't ibang progresibong grupo ang sumugod sa Mendiola nitong Miyerkoles upang kondenahin ang mga umano'y pang-aabuso ng gobyerno, partikular na ang dinanas ng political prisoner na si Reina Mae Nasino.
Kabilang sa mga grupo na lumahok sa protesta ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Kabataan, Anak-Pawis, Gabriela, Pamalakaya, at iba pa mula sa sektor ng manggagawa, estudyante, at propesyunal.
Ilan sa mga pangunahing binatikos nila ay ang kabiguan umanong masuportahan ang sektor ng mga magsasaka sa panahon ng pandemya.
Ipinababasura nila ang Anti-Terror Law, at ipinanawagan ang hustisya para kay Randy Echanis at Baby River, ang anak ni Nasino.
Hindi na nakalapit pa sa Peace arch ng Mendiola ang mga grupo para magprotesta dahil hinarangan sila ng mga pulis.
Pero matapos ang ilang minutong pakikipagdayalogo at pakiusap ng mga grupo, pinagbigyan din sila na makapagsagawa ng maikling programa pero sa intersection na lang ng Mendiola at Recto Avenue.
Agaw-pansin naman ang ginawang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakabiting patiwarik.
Tinapos ng mga militanteng grupo ang protesta sa pagsusunog ng naturang effigy.
—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, protesta, Mendiola, Anti-Terror Law, Randy Echanis, Baby River, Reina Mae Nasino