Bise alkalde ng Amadeo, Cavite, timbog dahil sa mga baril na walang dokumento

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2020 05:29 AM

Arestado ang bise alkalde ng Amadeo, Cavite na si Conrado Viado at ang 8 pang niyang kasamahan matapos mahulihan ng mga baril na walang dokumento sa kaniyang bahay. Kuha ng Cavite PPO

MAYNILA - Inaresto ang bise alkalde ng Amadeo, Cavite matapos madiskubreng may mga baril siya na walang kaukulang dokumento.

Pinangunahan ng Cavite Police Provincial Office Intelligence Unit ang operasiyon sa bahay ni Conrado Viado sa Barangay Maymangga matapos maghain sila ng 15 na search warrant sa bise alkalde.

Nasamsam sa bahay ng bise alkalde ang 21 baril at samu’t saring mga bala na walang mga dokumento.

Kabilang dito ang ilang M-14 rifle, M-16 rifle, shotgun, calibre 30 Carbune, calibre 45, calibre 22 pistol at rifle, calibre 380 pistol at calibre 38 revolver.

High-value target umano si Viado na itinuturong leader ng notoryus na Asiong Group.

Ayon sa Cavite PPO, isang local criminal group ito na iniuugnay sa gun-for-hire, land grabbing, extortion, gun running at ilang insidente ng pamamaril sa Amadeo at mga karatig-lugar sa Cavite.

Bukod kay Viado, arestado ang 8 pang kasamahan niya na itinuturo namang miyembro ng Asiong Group.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga inaresto.

Kakasuhan ng illegal possession of firearms and ammunition ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.