Taiwanese 'dinukot, ginulpi' ng 3 dayuhan sa hotel sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ng mga awtoridad ang isang Taiwanese national na dinakip umano at ginulpi ng tatlong dayuhan sa isang hotel sa Makati City.

Kinilala ang biktima na si Chang Hsu Chun, empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator na dinukot dahil umano sa utang.

Naaresto din sa operasyon ang tatlong suspek - dalawang Chinese at isang Malaysian.

Ayon kay Police Lt. Col. Elmer Cereno, tagapagsalita ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group unang nakatanggap ng mga banta ng pananakot ang biktima kaya agad itong dumulog sa Taipei Economic and Cultural Office.

Sinasabing paglabas ng biktima sa opisina, agad itong dinukot.

Nanawagan ng tulong ang pamilya ng biktima sa Police Attache ng TECO matapos matanggap ang video na nagpapakitang ginugulpi at pinagtatadyakan ang biktima.

Ginagamit umano ng mga suspek ang video para makasingil ng P20 milyon mula sa pamilya ng biktima.

Agarang inabisuhan ng mga awtoridad sa Taiwan ang PNP, na nagkasa ng rescue operation para sagipin ang biktima.

Giit ng isang suspek, naroon lang siya para singilin ang biktima kaugnay sa refund ng kaniyang renta sa condo unit.

Sinampahan na ng reklamong kidnapping for ransom with serious illegal detention ang mga suspek.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.