Suspek sa pagpatay sa kolumnista sa Pampanga, tukoy na

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 09:29 PM

MAYNILA - Pinapatugis na ng Presidential Task Force on Media Secuity (PTFoMS) sa mga awtoridad ang suspek sa pagpaslang sa isang kolumnista at isa pang kasama nito nito lamang Linggo ng gabi.

Nauna nang naibalita ang pananambang kina Jupiter Gonzales na kolumnista sa Remate at ang kaniyang kasama na si Christopher Tiongson habang nasa sasakyan sa Arayat, Pampanga.

Pero paglilinaw ni Joel Egco, executive director ng PTFoMS, matapos imbestigahan ang pangyayari, napagalamang kakilala pala ng mga biktima ang suspek.

Pinasakay pa aniya ng mga biktima ang suspek sa backseat ng sasakyan bago ito bumunot ng baril, at saka pinaulanan ng bala ang mga biktima.

Sa ngayon ay tumanggi munang pangalanan nina Egco ang suspek hangga't hindi pa ito nahuhuli at nakakasuhan.

Matatandang binabanatan ni Gonzales ang mga sugalan at peryahan sa naturang lugar.

Paliwanag ni Egco posibleng may kinalaman dito ang motibo ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.