PhilHealth binalaan sa 'kulang' na bayad sa hospital claims

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbanta ang grupo ng private hospitals na hindi sila magre-renew ng accreditation sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung hindi pa rin kompleto ang pagbayad ng claims sa mga ospital ng ahensiya. 

Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) President Rustico Jimenez, kulang pa ang nabayarang claims ng PhilHealth sa mga ospital. 

Kahit daw nagbabayad sa kasalukuyan ang PhilHealth, naiwan daw ang mga dati nitong mga obligasyon. 

"Nagbabayad naman po pero kulang po. Ang binabayaran nila 'yung kasalukuyan. Naiwan po 'yung dati," ani Jimenez. 

Ayon pa kay Jimenez, kung magpapatuloy ang PhilHealth na hindi bayaran ang kanilang claims, may posibilidad na hindi mag-renew ng accreditation sa ahensiya ang ilang ospital pagdating ng Enero. 

"Hindi na po ire-renew by January kung ganoon pa rin po 'yung ginagawa ng PhilHealth," ani Jimenez. 

Nababahala rin ang PHAP sa umano'y pagbawi ng accrediation ng ilang ospital lalo na sa Mindano dahil sa mga kasong hindi pa napagdedesisyunan. 

Nanawagan din sila sa pagbaligtad ng mga naturang desisyon. 
Pero depensa ni PhilHealth President and CEO Brig. Gen. Ricardo Morales, sinisikap nilang bayaran ang obligasyon nila sa mga ospital. 

Pinag-iingat din ni Morales si Jimenez sa kaniyang mga banta. 

"I advise Dr. Jimenez to be careful with his words because he does not speak for these hospitals. Threats will not work with PhilHealth," ani Morales. 

Nilinaw din ni Morales na dialysis services lang ng dalawang ospital sa Koronadal at South Cotabato ang tinanggalan ng accreditation para maiwasan ang mga anomalya. 

Hinimok din ni Morales ang mga ospital na direktang makipag-ugnayan sa kaniya para hindi na lalong gumulo pa ang isyu ng mga pribadong ospital at PhilHealth. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.