Nene Pimentel binigyang-pugay ng mga kaanak, katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbigay-pugay ang ilang mahal sa buhay at mga nakatrabaho ng dating senador at tinaguriang "Ama ng Local Government Code" na si Aquilino "Nene" Pimentel sa kaniyang lamay.

Linggo ng umaga nang pumanaw si Pimentel sa edad na 85 sa sakit na pulmonya.

Si dating Senador Nene Pimentel ay naging human rights lawyer, alkalde ng Cagayan De Oro City, Minister of Local Government at Senador nang higit isang dekada.

Pero para sa biyuda niyang si Lourdes, simple pero perpekto ang kaniyang asawa.

"Very simple lang naman ang buhay na gusto ni Nene. Serving God with all your heart and serving your neighbor like yourself," ani Lourdes.

Nanghihinayang siya na hindi niya makakasama ang asawa sa ika-60 nilang wedding anniversary sa Abril 30, 2020.

Ibinahagi rin ni Lourdes ang huling sandali kasama ang asawa.

"Noong nasa death bed na siya I said 'just let me cry' and I was crying. I was crying and singing in his death bed. Ang kanta ko 'just let me cry' I accept everything and I offer everything to God,” ani Lourdes.

Labis din ang pagdadalamhati ng mga dating tauhan ni Pimentel, kabilang si Omeng Maglangit na 31 years niyang naging political staff.

"[Hindi] ako nagpaalam sa kanya, nagpapasalamat lang ako. Parang hindi ko magawang magpaalam sa kanya," ani Maglangit

Si Energy Undersecretary Benito Ranque, na nakasama ni Pimentel sa pakikibaka noong Batas Militar, agos ang luha sa pagpanaw ng dating senador.

"He could have been a good president of this country he is so good, he is a man of vision. I hope people will remember him, his legacy," ani Ranque.

Nagbigay-pugay din ang mga dating kasama sa Senado ni Pimentel.

"Talaga namang idol ko siya sa paninindigan sa pulitika, sa paninindigan, sa pinaniniwalaan niya. Siya ang original na anti-corruption politician,” ani Senate President Vicente "Tito" Sotto III.

Itinuring ni dating Chief Justice Reynato Puno na malaking kawalan si Pimentel sa mga nagtutulak ng pederalismo sa bansa.

"If you read the draft of the Bayanihan Federalism in the Philippines, you can see there the large fingerprints of the late Senator Pimentel. We in the federal movement will exert double our efforts to see to it that this dream, this vision of the late Senator will be a reality," ani Puno.

Ilalagak ang mga labi ni Pimentel sa Heritage Park sa Taguig hanggang Martes.

Dadalhin din ang labi ng yumaong politiko sa Senado, Miyerkoles ng umaga para sa igagawad na parangal bago ilipad sa Cagayan De Oro City.

Sa Biyernes naman ibabalik na sa Heritage Park ang mga labi ni Pimentel para ihatid sa huling hantungan.

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.