Mahigit 30 bahay, nasunog sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 11:52 PM | Updated as of Oct 22 2019 10:19 AM

CAGAYAN DE ORO CITY - Sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Nazareth sa Cagayan de Oro City Lunes ng hapon.

Sa drone video ng Bureau of Fire Protection (BFP) Special Rescue Unit 10, makikita ang pagtupok ng apoy sa higit 30 bahay sa Upper 28th at 29th Streets sa nasabing barangay pasado alas tres Lunes ng hapon.

 

Agad itinaas ng BFP sa ikatlong alarma ang sunog dahil nasa mataas na bahagi ang mga bahay at hindi ito mapasok ng fire truck kaya naman kailangan nila ng mas maraming bombero na tutulong sa pag-apula sa apoy.

Alas-5 ng hapon na na-control ang sunog pero malapit na mag-alas-8 ng gabi nang ideklara itong fire-out.

Sa tala ng barangay, aabot sa 40 na pamilya o higit 30 bahay ang natupok ng apoy. Lahat ng apektado ay pansamantalang nakatira sa covered court ng barangay.

"Magbibigay tayo ng beddings at toiletries meron tayo sa barangay pero humihingi din kami ng tulong sa private at public sectors sa iba pang pangangailangan ng mga biktima," ani Maximo Rodriguez III, ang kapitan ng barangay.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga bombero ang dahilan ng sunog na umabot sa P1.2 million ang inisyal na danyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.