Lalaking 'lasing' patay nang mabundol ng truck sa Iloilo City

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 02:39 PM

Pinaniniwalaang lasing ang biktima nang mangyari ang aksidente.

LA PAZ, ILOILO CITY - Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos mabundol ng isang pick-up truck sa distrito na ito ngayong Lunes. 

Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa driver ng pick-up na si Noel Tan, isang negosyante, hindi niya nakita ang biktima na naglalakad sa gitna ng daan.

Pinaniniwalaang lasing ang biktima na nakasuot ng gray shorts at blue t-shirt.

Mabagal naman daw ang takbo ng trak, ayon sa isang nakasaksi na si JR. 

Natagalan pa bago makuha ng mga tagaresponde ang katawan ng biktima matapos itong maipit sa ilalim ng trak. Ginamitan pa ng power jack upang mai-angat ang sasakyan.

Nasa kustodiya na ng Lapaz Police Station ang driver na si Tan, na nahaharap sa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.