26 na miyembro ng NPA sumuko sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 12:53 PM

CALAMBA CITY, Laguna- Sumuko sa mga pulis at sundalo ang 26 na miyembro ng New People's Army.

Kabilang sa mga rebelde ang 5 babae at 3 menor de edad. Pawang mula sa Dumagat Tribe sa Rizal at Quezon ang mga sumuko.

Tatanggap ang mga sumukong rebelde ng P50,000 na tulong pangkabuhayan, at P15,000 na pera ayon kay Police Brig. Gen. Edward Carranza, regional director ng Southern Tagalog Police.

Kuwento ni Carranza, sangkot ang mga sumukong rebelde sa pagsunog ng mga gamit sa Barangay Maragondon sa Real, Quezon noong Set. 21, 2018.

Naka-engkuwentro na rin sila ng mga sundalo at pulis sa Barangay Canaway at Sitio Lagmok sa General Nakar, Quezon noong Mayo 1 at Hulyo 28.

Isinuko din ng mga rebelde ang ilang armas tulad ng 2 pirasong M16 rifle, 4 na rifle grenade, 4 na shotgun, mga bala at pampasabog.

Sa kasalukuyan, ang mga probinsya pa lamang ng Laguna at Cavite ang naidedeklarang "insurgency free" ng Armed Forces of the Philippines sa rehiyon ng Calabarzon.

Patuloy pa ang pagsusuri sa mga probinsya ng Rizal, Batangas, at Quezon.

-ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.