15 pulis na nahulihan ng kontrabando sa Bilibid iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 04:33 PM

Pinaiimbestigahan ngayon ang 15 pulis na nahulihan ng samu't saring kontrabando sa New Bilibid Prison. 

Nangyari ito sa gitna ng paggiba ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga iligal na estraktura sa loob ng pasilidad. 

Alas-11 ng umaga noong Biyernes nang makitaang may 60 pirasong tabako na nakapuslit sa loob ng pagkain na dala ng isang pulis. 

Makalipas ang 30 minuto, nakuha ang 2 litrong alak na ikinubli at inilagay sa bote ng iced tea. 

Aabot naman sa 14 na cellphone ang nakuha ng mga pulis nang magsagawa ng surprise frisking ang BuCor. Mahigpit na ipinagbabawal ang mga cellphone sa loob ng pasilidad. 

Ayon kay Wena Dalagagan, tagapagsalita ng BuCor, pinaiimbestigahan na ang mga pulis at ineendorso na ang mga dokumento sa Philippine National Police para makasuhan na ang mga sangkot. 

Tingin ng BuCor, pangbenta sa mga preso ang mga ipinupuslit na tabako at alak ng mga pulis. 

Inaabot umano ng P10,000 hanggang P20,000 ang presyuhan ng isang bote ng alak sa loob. 

Pero inaalam pa ng BuCor kung pang-personal na gamit o ipinangbebenta sa mga preso ang mga nakumpiskang cellphone. 

Inalis na sa kanilang assignment ang mga pulisya habang gumugulong ang imbestigasyon. 

Agad ding ipinag-utos ni BuCor director Gerald Bantag na kapkapan ang lahat ng papasok sa Bilibid, pulis man o bisita. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.