Suspek sa pagpatay sa guro sa Iloilo, arestado

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 08:56 AM

PASSI, Iloilo - Matapos makulong nang walong taon sa Bilibid dahil sa kasong murder, balik kulungan ang isang konduktor ng jeep matapos madawit sa pagpatay sa isang guro sa bayang ito noong nakaraang linggo.

Taong 2014 nang nakalaya si alyas Winwin, 47 anyos, mula sa Bilibid. Arestado siya Sabado ng umaga matapos ang malawakang manhunt ng pulisya.

Bangkay na nang matagpuan ang gurong si Ma. Corazon Tionson, 55 anyos, sa loob ng kaniyang bahay noong ika-14 ng Oktubre.

Ayon sa suspek, galing siya sa inuman noong gabing iyon at lasing na lasing.

Habang pauwi, nadaanan niya ang bahay ng guro at nakita niya na nakatapis lamang ito ng tuwalya habang naglalaba. Dito na umano sumagi sa kaniyang isipan na gahasain ang guro.

Matapos umanong halayin, sinaksak niya ng dalawang beses sa likod at pinukpok ng tatlong beses sa ulo ang biktima para masigurong patay ito dahil kilala umano siya nito.

Matapos ang krimen, nagtrabaho pa ang suspek bilang konduktor sa jeep sa bayan pero tumakas rin at tumira sa bundok dahil sa takot.

Napag-alaman ring matagal nang may gusto ang suspek sa biktima.

Nakuha mula sa kaniya ang isang 12 gauge homemade shotgun, mga bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong robbery with homicide and rape.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.