Lolo, sugatan nang mabundol ng motorsiklo sa Cagayan De Oro

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 03:14 PM

Nasagasaan ng motorsiklo ang isang tumatawid na 67 anyos na lalaki sa Cagayan De Oro City nitong Linggo. Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Sugatan ang isang lalaki matapos mabundol ng isang motorsiklo nitong umaga ng Linggo sa Cagayan De Oro City.

Papatawid ng kalsada ang nakabisikletang si Nemesio Emburco, 67 anyos, nang mabangga ito ng motorsiklong minamaneho ni Euriquin Abuhan bandang alas-9 ng umaga, ayon sa traffic investigator na si Police Officer 3 Dennis Palangpangan.

Akala ni Abuhan na hindi tatawid si Emburco dahil binusinahan na raw nila ito, ayon kay Palangpangan.

Agad isinugod sa Northern Mindanao Medical Center si Emburco, na nagtamo ng head injury at galos sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Inalalayan naman siya sa ospital ni Abuhan dahil wala pang nagpapakitang kaanak ng biktima.

Nangako naman si Abuhan na sasagutin ang mga gastusin ni Emburco sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang motorsiklo ni Abuhan.

--Ulat ni Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.