Binatilyo, inatake ng buwaya sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 12:20 AM | Updated as of Oct 21 2018 07:49 AM

BALABAC, Palawan - Sugatan ang isang binatilyo matapos atakihin ng isang buwaya sa Barangay Poblacion 5 sa bayang ito Sabado ng umaga.

Residente sa lugar ang biktimang 16 taong gulang.

Ayon sa mga awtoridad, nagpagupit ang biktima at nagdesisyon na maligo sa dagat matapos ang pagpapagupit ng buhok. Dito na siya inatake ng buwaya.

Masuwerteng nailigtas ang biktima ng kaniyang kaibigan.

"Nu'ng time na paakyat na siya, 'yun na, inatake na siya. Tinulungan na lang po ng kasama niya, pinalo-palo na lang po 'yung buwaya. Nanlaban din po kasi 'yung kinagat. Hindi na po masyadong makaakyat 'yung katawan ng buwaya, pinalo-palo na lang po siya," ani Philip Ocbo, Forest Protection Officer sa Balabac.

Nagtamo ng tatlong kagat ang biktima sa kaniyang kanang hita. Agad siyang dinala sa pagamutan at kasalukuyang nasa mabuting kalagayan na.

Ayon pa sa mga awtoridad, maaaring ang parehong buwaya ang umatake sa mag-ama sa Barangay Salang dahil putol ang buntot nito.

Ito na ang pangatlong insidente ng pag-atake ng buwaya sa bayan ng Balabac ngayong taon.

Noong Pebrero, patay ang isang residente nang atakihin ng buwaya sa Barangay Catagupan.

Sugatan naman ang mag-amang inatake ng buwaya sa Barangay Salang noong Mayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.