Masaker sa Negros: 9 patay sa hacienda ng tubo

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 04:12 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang siyam na magsasaka, kabilang ang ilang bata at babae, matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa loob ng isang hacienda sa lungsod ng Sagay, Negros Occidental noong gabi ng Sabado.

Ayon kay Chief Inspector Roberto Mansueto, hepe ng Sagay police, Sabado ng umaga nang pasukin ng grupong National Federation of Sugar Workers (NFSW) ang hacienda.

Kinagabihan, bandang alas-9:45, pinagbabaril ng nasa lima hanggang anim na armadong lalaki ang grupo ng mga magsasaka habang naghahapunan ang mga ito, ani Mansueto.

Nakatakbo agad ang iba pero hindi pinalad ang siyam, na nasawi dahil sa mga tama ng bala at paso sa kanilang mga katawan. Kabilang umano sa mga nasawi ang dalawang menor de edad at tatlong babae.

Isa sa mga nakaligtas si Danilo Cañete.

Ayon sa kaniya, hindi nakatakbo ang ibang kasamahan dahil nakaupo sila nang mangyari ang pamamaril.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng iba-ibang kalibre ng armas. May nakuha ring baril mula sa isa sa mga nasawi, ayon sa pulisya.

Land conflict o alitan sa lupa ang isa sa mga tinitingnan motibo ng pulisya sa insidente.

Wala pa umanong hawak na certificate of land ownership mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga miyembro ng NFSW pero pinasok na nila ang hacienda.

May hawak ding testigo ang mga pulis.

"May isa rin tayong sole witness... kinukuhanan pa natin ng statement," ani Mansueto.

Nakausap na rin ng pulisya ang may-ari ng lupa na nangakong tutulong sa imbestigasyon para matukoy kung sino ang responsable sa krimen.

Magbibigay naman ng P250,000 pabuya si Sagay Mayor Alfredo Marañon III para mahuli ang mga salarin.

Ipinag-utos naman ni Bishop Gerardo Alminaza ng San Carlos Diocese sa Negros ang pagbibigay ng tulong sa mga nakaligtas at sa mga kaanak ng mga ansawi.

"Our social action office in collaboration with our parish leaders in Vito, Sagay will reach out to victims and conduct fact-finding mission together with other human rights groups," sabi ni Alminaza.

Lahat ng mga biktima ay matagal nang manggagawa sa taniman, ayon kay Rolando Rillo, NFSW chairman, sa panayam ng ABS-CBN News.

Una aniyang naging manggagawa ang mga ito ng may-ari ng lupa, at pagkatapos noon ay naging manggagawa ng isang nagparenta ng lupa (lessor).

Inilagay na ng local agrarian reform office ang lupa sa sakop ng repormang agraryo, ayon kay Rillo.

Pero nagawa pa rin umano ng may-ari ng lupa na patitulohan ang mga bahagi ng taniman sa pangalan ng pitong tao, kasama umano ang tagapaglabada, drayber, at sekretarya nito.

Nasa isang dekada na ang alitan sa lupa, sabi Rillo.

Sinisi naman ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares ang administrasyon at militar sa insidente.

Ayon kay Colmenares, bago ang insidente, naghahanda ng land cultivation area (LCA) ang mga magsasaka kung saan sila makapagtatanim ng mga kakainin para sa "tiempo muerto" o iyong panahong patay ang industriya ng tubo sa bansa.

Pero pinaratangan umano ni Brigadier General Eliezer Losañes, commander ng 303rd Infantry Brigade, ang mga LCA bilang mga tagasuporta ng New People's Army, ani Colmenares.

"That is really absurd because the issue of land is a legitimate issue. This is an attempt of the Duterte government to quell any form of protest by criminalizing legitimate demands," sabi ni Colmenares sa isang pahayag.

Kinondena rin ng grupong Salinlahi Alliance for Children's Concerns ang insidente.

--Ulat ni Marty Go at Inday Espina-Varona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.