Padalang regalo ng internet sweetheart? Scam 'yan: BOC

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 03:12 PM

MANILA - Mahahanap ba sa internet ang iyong "forever"? Mag-ingat, dahil baka forever ka ring magsisi. 

Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa mga taong gumagamit ng social media para manghuthot sa mga biktimang pinapa-fall nila. 

Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang BOC mula sa isang babae sa Pangasinan na nakumbinsi ng kaniyang internet sweetheart na magpadala ng pera para sa package na naglalaman umano ng mga branded na bag at gadgets.

Nagbayad ang biktima ng P30,000 sa isang Jenalyn Miranda para umano sa pag-release ng package na nasa Customs. Pero matapos na magbayad kay Miranda sa pamamagitan ng money transfer, humingi pa ulit ang suspek ng karagdagang P80,000 para mailabas ang kaniyang items.

Hindi pala totoo ang nasabing package at niloko lamang siya ng kaniyang kausap. 

Ayon sa Enforcement and Security Service ng BOC, gumagamit ng online dating sites, social media, email, at text messages o minsan ay tawag sa telepono ang mga manloloko.

Kakaibiganin muna nila ang biktima hanggang sa mahulog ang loob sa kanila at papangakuan na padadalhan ng regalo at pera. May ipinapadala rin umanong mga pekeng resibo ng tracking numbers ng mga packages sa biktima.

Ang iba naman ay nakakatanggap ng tawag o text messages na nagsasabing may package na dumating para sa kanila na kailangang mabayaran sa Customs para mai-release.

"They would usually use the name of the bureau and pose as BOC employees who are asking money to shoulder the ‘duties and taxes’ in exchange for the release of the package,” paliwanag ni BOC Commissioner Isidro Lapeña. 

Sa datos ng BOC Customer Assistance and Response Services (CARES), mula Enero hanggang Setyembre, nakatanggap na sila ng kabuuang 1,263 na ulat at tanong hinggil sa iba’t-ibang modus ng online scam. Mula dito, 412 ang nag-report sa telepono, 159 ang nagpadala ng email at 692 ang gumamit ng social media para mag-report ng scam.
 
Base pa sa tala, ang pangalang madalas na nagagamit sa panloloko ay Danica Mae Chavez, James Henry, John Deck, George, Ben Anthony, Jojit Padilla, Luzviminda, Michael Wilson, Lea Gomez, Edward, Jenalyn, Karren, at Rowena. 

Ang mga ginagamit naman na pangalan ng couriers para sa mga bogus na padala ay SpeedEx Cargo, Speed Cargo, Global Express Cargo, Skyline Delivery Express, Express Cargo, Blue Express, Airtrack Cargo, United Global, Alpha Blink, Sky Express, Quick Cargo, Oceanic Delivery, ABC Cargo, Unifed, Link Up Freight, ECC Cargo, ACC Cargo, at Union Cargo. 

Ang nasabing mga courier ay wala sa accredited de-consolidators list ng Department of Trade and Industry. 

"If in case a stranger texted or chatted [with] you [about] an unclaimed package held by BOC, or there is money in the package, you can double check the existence of the package by reaching the BOC Helpdesk at 705-6000 or by sending us a message on our Facebook page Bureau of Customs PH," sabi pa ni Lapeña. 

Hinihikayat din ang lahat ng mga biktima ng scam na mag-report sa cybercrime divisions ng Philippine National Police o ng National Bureau of Investigation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.