Opensiba ng militar sa Marawi, patapos na: WESTMINCOM

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 09:05 PM

Kasabay ng pag-uwi ng ilang sundalo mula Marawi, idineklara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command na maaaring matapos na ang operasyon sa main battle area sa lungsod ngayong weekend. 

Ayon sa Western Mindanao Command (WESTMINCOM), maaaring ngayong Linggo na tuluyang matapos ang operasyon ng militar. 

“Bukas, most probably baka makaya nang i-declare natin na totally complete na,” sabi ni Lt. Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command.

Sa ngayon, walang tigil pa rin ang paghahanap ng militar sa nalalabing Maute fighters.

Hindi na rin lalagpas sa lima ang mga gusaling kailangang ma-clear.

Nakumpirma na rin na bangkay nga ni Isnilon Hapilon ang nakuha sa Marawi City batay sa DNA test na isinagawa ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Amerika. 

Homecoming

Samantala, iba’t ibang emosyon ang nararamdaman ng mga sundalong aalis ng Marawi pero higit na nangingibababaw ang saya dahil bukod sa natapos ang misyon, makakasama na rin nila ang kani-kanilang mga pamilya. 

Ang ikatlong batch naman ng mga sundalo na sumabak sa giyera sa Marawi City, nakabalik na sa Metro Manila nitong Sabado. 

Puno pa rin ng emosyon ang kanilang pagbabalik dahil muling nagkita ang mga sundalo at mga mahal nila sa buhay na matagal na ring nag-aalala sa kanila.

Samantala, bago bumalik sa Maynila ay nag-alay muna ng isang minutong katahimikan ang mga sundalo ng MBLT 10 at 62nd Company ng Marines Special Operations Group para sa mga kasamang nagbuwis ng buhay sa giyera.

Ang Marines ang nakabawi sa tatlong mahahalagang tulay na nagkokonekta sa dalawang bahagi ng lungsod.

“It’s a complete and total victory of the troops,” ani BGen. Danilo Pamonag, commander ng Joint Task Group Trident.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.