Militar: Mga natitirang terorista sa Marawi wala nang lulusutan

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 01:10 PM

MANILA - Wala nang maaaring lusutan pa ang mga natitirang terorista na lumalaban sa Marawi City matapos ang pagkamatay ng kanilang mga pinuno, ayon sa militar. 

Ito ay habang patuloy na naghahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa posibilidad na mag-regroup ang mga nalalabing terorista sa Marawi City at mag-plano pa rin ng kaguluhan.

"'Yan naman ay isang bagay na pinaghahandaan natin. Alam natin na hanggang hindi natin napupuntirya ang lahat ng mga posibleng koneksiyon nila sa iba't-ibang dako ng Mindanao at 'yung mga grupong nagpahiwatig ng pagtulong sa kanila ay talagang maaring umusbong muli ang mga ganitong klaseng pagkakataon," sabi ni Maj. General Restituto Padilla sa panayam ng DZMM.

Tiniyak naman ni Padilla na nawawalan na ng pagkakataon ang mga terorista na makapaghasik pa ng kaguluhan sa lugar.

"Sila naman ay cornered na, wala na silang lalabasan. Wala na silang pinupuntahan. Kaya hinihimok natin silang sumuko na lang," sabi niya.

Nauna nang napatay sina Isnilon Hapilon at Omar Maute, lider ng teroristang grupo na halos limang buwan nang nakikipagbakbakan sa mga tropa ng gobyerno. 

Bunsod nito, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes na napalaya na mula sa impluwensiya ng mga terorista ang Marawi City. 

Nagbabala rin siya na maaaring maghiganti ang mga terorista. 

Patuloy namang pinaghahanap ng militar ang isa pang foreign terrorist na kinilalang si Amin Baco na napag-alamang nasa Mindanao.

"Hindi namin batid kung siya ay naging isa sa mga nasawi noong mga nakaraang bakbakan kaya hinahanap ang labi niya. Pero hanggang hindi natin nakikita, tayo ay naga-assume na nandiyan pa sila," aniya.

May tinatayang 20 terorista pa ang hinahabol ng awtoridad.

"Cornered na sila. Kalahating ektarya na lang humigit kumulang ang lugar at limang gusali, 'yan ang pinupuntirya natin ngayon at hindi natin pinababayaang may makatakas diyan. Wala nang lulusutan, wala nang lalabasan, wala nang papasukan. Talagang contained na sila," dagdag ni Padilla.

Habang pauwi na sa kanilang mga unit ang mga sundalong nagsilbing reinforcement sa Marawi, may angkop pa rin na puwersa ang maiiwan para magbantay sa seguridad ng lungsod.

"'Yung maiiwan diyan, mga organic talaga, 1st Infantry Division at Joint Task Force Marawi. Sila ang mangangalaga ng seguridad habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon, reconstruction at rebuilding ng buong Marawi," sabi pa niya.

Ang nalalapit na pagtatapos ng labanan sa Marawi ay hudyat ng pagkakaisa laban sa terorismo, ayon kay Padilla.

"Hinihikayat natin ang lahat ng mga kababayan natin na tumulong at makipag-ugnayan at makiisa sa ating laban sa terorismo," sabi ni Padilla. "Hindi natin hahayaang maulit ito kapag nagkakaisa tayo."

Pinasalamatan din ni Padilla ang publiko sa patuloy na suporta sa tropa ng pamahalaan.

"Hindi po nawawala ang banta. Laging may banta. Sinisiguro naming kami po ay nagsisilbi para sa bayan, para sa tao," panghuli niya.

May higit 1,000 na ang namatay, karamihan mga terorista, mula nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi noong Mayo 23. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.