Mga labi ni Cardinal Vidal, dinala sa San Pedro Calungsod Shrine

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 08:47 AM

Inilipat na ang mga labi ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal sa San Pedro Calungsod Shrine sa Archbishop's Residence Compound sa Cebu City, Sabado ng umaga.

Mananatili ang kanyang mga labi roon para na rin sa paggunita sa ika-limang anibersaryo ng canonization ni San Pedro Calungsod.

Nakatakdang ibalik sa Cebu Metropolitan Cathedral ng Sabado ng gabi ang kanyang mga labi.
 
Pumanaw si Vidal noong Oktubre 18 sa edad na 86.

Simula pa ng taong 2014 ay labas-masok na sa pagamutan si Vidal dahil sa kumplikasyon sa pneumonia. 

Siya ay itinuring na isa sa mga pinakamakapangyarihang pinuno ng Simbahang Katoliko sa bansa.

Nagsilbi siya bilang pari sa loob ng 61 taon, halos tatlong dekada nito ay bilang archbishop ng Cebu hanggang sa mag-retiro siya noong 2011.

Naging pangulo rin siya ng Catholic Bishop's Conference of the Philippines mula 1985 hanggang 1987, ayon sa Vatican Press Office.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.