Mga kukuha ng UPCAT sa Diliman, inulan

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 08:54 AM

Hindi napawi ng malakas na ulan ang moral ng libu-libong estudyanteng madilim pa ay pumila na sa testing centers para kumuha ng UP College Admission Test (UPCAT).

Ang ilan sa kanila ay sinamahan pa ng magulang, na kapwa nagdarasal para makapasok ang anak sa premier state university sa bansa.

Ayon sa isa sa mga kukuha ng UPCAT na si Shaney Goyena, kabado siya, pero tiwalang handa na siya para sa pagsusulit.

Si Sean Kevin Sigua naman, alas-3 ng madaling araw pa lang ay gumising na para maghanda sa UPCAT. 

Aniya, bilang dagdag na paghahanda sa pagsusulit ay nag-enroll siya sa review center upang sumagot ng sample exams.

May ilang UPCAT takers din na nagbaon ng meryenda para sa ilang oras na pagsusulit.

Sa dami ng kukuha ng UPCAT sa UP Diliman campus, apektado pati ang daloy ng trapiko, lalo na sa Academic Oval.

Ngayon ang una sa dalawang araw na kukuha ang mga mag-aaral ng UPCAT sa iba't ibang testing center sa bansa.

Tinatayang nasa 60,000 na estudyante ang kukuha ng UPCAT ngayong taon. 

Noong 2016, nasa 1,591 lang ang pumasa sa pagsusulit para makapag-enroll sa iba't ibang UP campus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.