Libo-libo lumahok sa humanitarian run ng Red Cross

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 04:18 PM | Updated as of Oct 24 2017 11:19 AM

Mga lumahok sa "Million Volunteer Run" ng Philippine Red Cross sa Maynila, tumuloy pa rin kahit maulan. Michael Bagtas, ABS-CBN News

MANILA – Libo-libo ang nakilahok sa isinagawang humanitarian run ng Philippine Red Cross (PRC) sa Quirino Grandstand at iba pang bahagi ng bansa Sabado ng umaga.

Ito na ang ika-apat na taon ng tinatawag nilang "Million Volunteer Run".

Layon ng pagtakbo na ito na paigtingin ang bayanihan at disaster awareness ng mga Pilipino. Nais din ng programang tulungan ang PRC na paramihin ang kanilang mga emergency vehicles at kagamitan sa pagresponde sa anumang sakuna.

Maliban dito, matutulungan din ang ibang proyekto tulad ng "Tabang Marawi Project," kung saan pupunta ang malilikom na pondo mula sa mga residente ng Davao del Sur at Davao Occidental, ayon kay Davao del Sur Red Cross Administrator Helen Caberto.

Mahigit 500 katao sumali sa Million Volunteer Run ng Philippine Red Cross sa Ilocos Norte. Grace Alba, ABS-CBN News

Halos 2,000 residente ng Davao del Sur at Davao Occidental dumalo sa Million Volunteer Run. Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Mahigit 3,000 estudyante at empleyado ng Philippine Red Cross sumali sa Million Volunteer Run sa San Carlos City, Pangasinan. Joanna Tacason, ABS-CBN News

 

Nakibahagi ang mahigit 1,000 katao sa Million Volunteer Run sa Naga City. Mylce Mella, ABS-CBN News
Mahigit 1,000 sumali sa Million Volunteer Run sa Legazpi Boulevard, Albay. Karren Canon, ABS-CBN News

"Aside from personal health and well-being, there is no better reason to run than to run for the welfare of the suffering humanity. When you run for the cause of the Red Cross, you are in effect running to save lives," sabi ni PRC Chairman Sen. Richard Gordon sa isang pahayag.

Ayon naman kay PRC Board of Governors Secretary Corazon Alma de Leon, nasa 400,000 ang dumalo sa volunteer run sa bansa, at lubos siyang nagpapasalamat sa ipinakitang suporta ng publiko.

Umaasa si De Leon na sa susunod na taon, mas madaragdagan ang mga sasali para mas marami ring matulungan ang PRC. -- Ulat nina Arra Perez, Grace Alba, Clarabelle Cornelio, Joanna Tacason, Mylce Mella at Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.