Lalaking tumangay ng motorsiklo sa Cavite, patay sa shootout

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 08:52 PM

Patay ang isang lalaking nagnakaw ng motorsiklo sa lungsod ng General Trias, Cavite matapos maharang sa checkpoint na nauwi sa engkuwentro.

Sa kuha ng CCTV ng isang bahay noong Oktubre 18, kita ang isang lalaking nakasumbrero't may bimpo sa balikat na nakaupo sa tapat ng tindahan sa Barangay San Juan Uno.

Naglakad siyang nakayuko palapit sa nakaparadang motor at tinakpan pa ng bimpo ang CCTV.

Paglabas ni Dario Carangalan mula sa kaniyang bahay, wala na ang motor ng pamangkin.

"Nakita ko iyong CCTV ko may takip na . . . Naalerto ako, lumabas ako, pagtingin ko wala na yung motor na hiniram ko sa pamangkin ko," ani Carangalan. 

Naisumbong agad ang pagtangay sa motorsiklo kaya mabilis nakatugon ang mga pulis.

Ilang oras ang nakalipas, naharang sa checkpoint sa Pasong Camachile ang motor na minamaneho ng suspek.

"Merong isang naka-motor na lumampas sa tropa...Pag diretso nakita niya may pulis din sa unahan...hinabol naman siya ng tropa [tapos] nag-report iyong tropa na napalaban sila...Tinamaan iyong mobile na subject sa trajectory test," paliwanag ni PO2 Allan John Edoria ng PNP-General Trias.

Napatay ang suspek na si Cesar Gamboa matapos umanong manlaban.
    
Nabawi naman ang tinangay niyang motorsiklo.

"Buti na lang nakuha agad kasi nakakahiya sa pamangkin ko," ani Carangalan.

Inaalam pa ng pulisya kung mayroong kasabwat si Carangalan at kung sangkot siya sa iba pang insidente ng pagtangay ng motorsiklo sa General Trias.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.