Barkada, huling binatukan, pinalo ang 3 menor de edad sa loob ng 'pisonet'

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 08:50 PM

Sapul sa CCTV ang pananakit ng tatlong lalaking magbabarkada sa tatlong menor de edad na naglalaro sa isang pisonet o computer shop sa Meycauayan, Bulacan.

Huwebes ng gabi nang pumasok sa nasabing establisyimento ang tatlong lalaki at binatukan ang mga bata. 

Hindi nakapalag ang mga bata habang natahimik naman ang ibang tao sa computer shop.

Pinalabas ng tagabantay ang mga nanakit pero makalipas ang ilang sandali, bumalik ang mga lalaki at itinuloy ang pamamatok, pamamalo, at paninigaw sa mga bata.

Napaiyak ang mga bata at tuluyang napalabas ang mga lalaki.

Agad kumilos ang Barangay Zamora at hinanap ang mga sangkot sa insidente. 

Nang matugis, napag-alamang 13, 14 at 17 ang edad ng mga sinaktan habang edad 17, 18 at 20 naman ang mga nakainom na nanakit.

Depensa ng mga nanakit, gumanti lamang daw sila dahil niloko umano ng mga bata ang pinagbilhang tindahan.

Ayon pa sa kapitan, bumili ng tubig ang mga bata, inilublob sa kanal at saka isinauli sa may-ari, pero ito'y itinanggi ng mga bata.

Ang 20 anyos na si Rolando Gumapos, napaiyak at lumuhod sa mga magulang ng kaniyang sinaktan.

Higit isang oras siyang nagmakaawa kasama ang kaniyang ina na pinagsisisihan ang ginawa ng anak.

Matapos ang usapan ng magulang sa magulang, nagkasundo sila na sasagutin ang pampa-check up ng mga nasaktang bata at nangakong hindi na uulitin ang pananakit.

Nagpaalala naman ang barangay na dapat sundin ng mga kabataan ang kanilang itinakdang curfew.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.