7 menor de edad huli sa aktong gumagamit ng marijuana

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 10:17 AM

MANILA - Huli sa aktong gumagamit ng marijuana ang pitong menor de edad sa Barangay Commonwealth, Quezon City, Biyernes ng gabi.

Nakatanggap ng reklamo ang barangay tungkol sa amoy ng marijuana sa Obanic Street, Barangay Commonwealth na nagmumula umano sa mga binatilyong gumagamit nito.

Agad namang rumesponde ang barangay at dinala sa Batasan Police Station ang mga binatilyo.

Nag-positibo sa drug test ang pito na nasa edad 14 hanggang 17 at pawang mga estudyante pa.

Ayon sa kanila, naaya lang sila ng kanilang barkada na gumamit ng marijuana.

Ayon naman sa 15-anyos na taga-bili ng marijuana ng grupo, sa internet siya nakikipag-transaksiyon.
 
Nabili daw niya ang dalawang maliit na supot ng marijuana sa halagang P300.

Dinala sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga binatilyo. Ibibigay sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa shelter program na tumutulong sa mga menor de edad na nalulong sa droga.

Hiling ng mga magulang sa awtoridad, hulihin rin ang mga nagtutulak at nagbebenta ng droga na nambiktima sa kanilang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.