2 pangunahing sementeryo sa Maynila, website ang sagot sa 'nawawalang' puntod

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 10:40 PM

Gumawa na ng website ang pamunuan ng Manila North at Manila South Cemetery upang mabilis na matukoy ang mga puntod ng namayapa. 

Tinatayang aabot sa kalahating milyon ang dadagsa sa Manila South Cemetery para sa nalalapit na Undas, at isa sa karaniwang problema ay ang mga nawawalang puntod.

Upang masolusyonan ito, gumawa sila ng website na www.manilasouthcemetery.com.ph/ kung saan puwedeng mahanap ang lokasyon ng puntod at hindi na maligaw pa sa araw ng Undas. 

“Iki-click niyo lang po ‘yung name of deceased, lalabas na po kung anong section,” ayon kay Jonjon Villavacua, staff ng Manila South Cemetery.

Mayroon ding website ang Manila North Cemetery kung saan tinatayang aabot sa dalawang milyon ang bibisita sa araw ng Undas. 

Maaaring bumisita sa www.manilanorthcemetery.com/ para malaman ang lokasyon ng puntod ng mahal sa buhay. 

Iba pang paghahanda

Bukod sa website, puspusan ang iba pang paghahanda na ginagawa ng pamunuan ng dalawang sementeryo para sa Undas. 

Sa Manila South Cemetery, limang palikuran ang itinayo bukod pa sa mga portalet na ilalagay.

May ilang naglilinis na rin ng puntod ng kanilang namapayang mahal sa buhay pero pinaalala nila na hanggang Oktubre 30 na lang puwedeng maglinis.

Sa Manila North Cemetery naman, inaspalto na ang mga kalye sa loob ng sementeryo at ipagbabawal na ang pagpasok ng mga sasakyan sa loob sa Oktubre 29. Hanggang sa araw na iyon lang din puwedeng maglinis ng mga puntod. 

Gagamit pa rin ng name tagging sa mga bata para hindi sila mawala.

Simula sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, magdamag na bukas ang Manila North at South Cemetery.

Naglabas na rin sila ng mga panuntunan para maging maayos ang pagbisita sa mga puntod.

• Bawal magdala ng baril
• Bawal magdala ng matutulis o matatalim na bagay
• Bawal magdala ng mga alagang hayop
• Bawal magpatugtog
• Bawal ang mga flammable material
• Bawal magdala ng alak

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.