19 katao arestado sa raid kontra sugal

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 05:04 PM

Umabot sa 19 na suspek ang naaresto ng awtoridad sa ikinasang raid kontra ilegal na sugal sa Lipa City, Biyernes ng hapon.

Tila isang eksena sa pelikula ang nangyaring raid nang isa-isang padapain ang mga naaktuhang nagsusugal sa palengke ng Lipa City, bago mag-alas-4 ng hapon.

"Ang mga tao dito walang habas na nagsusugal ng color game, walang pinipiling oras, umaga, tanghali, hapon, gabi," sabi ni Supt. Joel Estaris.

Magkakasamang naaresto ang operator, mga tumataya at isang nagvi-video sa labas ng pinangyarihan ng operasyon. Isang menor de edad din ang kasama sa mga nahuli.

Ayon sa pulisya, karamihan ng nasabat na gamit ay para sa color game tulad ng mesa, color game board, dice at pati na rin pera. 

Nakumpiska din ang mahigit P11,000 at isang blue book kung saan nakalagay ang mga pangalan ng mga nagbabayad.

Sa ngayon, may tinitingnang anggulo ang pulisya na parte ang pasugalan ng mas malaki pang sindikato.

Panawagan naman ng pulisya sa publiko, huwag na tangkilikin ang ganitong klaseng ilegal na negosyo.

"Kung halimbawa may alam kayo sa lugar ninyo na hindi mapigilan, kung ito man ay may nagpo-protekta, narito ang aming opisina na handang linisin ang lugar na walang habas ang pasugalan," sabi ni Estaris.

Dadaan sa mas malalim pang imbestigasyon ang mga naaresto.

Dagdag naman ng pulisya, ngayon na wala na ang Oplan Tokhang, mas matututukan na nila ang ganitong klaseng krimen.

Nauna nang iniutos ni Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa ang pagtigil sa Oplan Tokhang, o ang bahay-bahay na anti-drug operation ng pulisya.

Ito'y matapos atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency na siyang manguna sa kampanya laban sa droga, sa halip na ang kapulisan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.