1 patay, 17 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Commonwealth

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 03:41 PM

Isang bus na mabilis umano ang takbo ang naging sanhi ng banggaan sa Commonwealth Avenue northbound sa Quezon City, Biyernes ng gabi. Mark Demayo, ABS-CBN News

MANILA - Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang 17 iba pa sa karambola ng 10 sasakyan sa northbound lane ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Dominador Pedradive Cayna, isang pasahero ng jeep na nayupi sa aksidente. Kabilang naman sa mga sugatan ang isang buntis.

Kabilang sa aksidente ang dalawang pampasaherong bus, dalawang jeep, at isang motorsiklo. 

Ayon kay Gavino Ramos, isang saksi sa insidente, mabilis umano ang takbo ng isang Fermina Express bus na itinuturong ugat ng aksidente.

Sa bilis ng takbo ng bus, sumalpok umano ito sa mga sasakyang nakahinto sa may stoplight.

Paliwanag naman ng drayber ng bus na si Miel Cervantes, sinubukan niya umano magpreno ngunit hindi raw ito kumagat.

Kasalukuyang nakakulong si Cervantes sa Police Traffic Sector 5 at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide with multiple injuries and damage to property.

Noong 2008, 5 ang patay at 51 ang sugatan nang bumangga rin ang isang Fermina Express bus sa isang AUV habang bumabaybay sa North Luzon Expressway. 

Pinatawan noon ang kompanya ng 1 buwang suspensyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.