Mga taga-Santa Maria, Ilocos Sur na sinalanta ng 'Maring,' hinatiran ng relief goods

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2021 04:04 PM | Updated as of Oct 20 2021 07:49 PM

Namahagi ng tulong ang ABS-CBN Foundation sa mga residente ng Santa Maria, Ilocos Sur, na sinalanta ng Bagyong Maring. Retrato mula sa Twitter/@ABSCBNFI_ph
Namahagi ng tulong ang ABS-CBN Foundation sa mga residente ng Santa Maria, Ilocos Sur, na sinalanta ng Bagyong Maring. Retrato mula sa Twitter/@ABSCBNFI_ph

Dahil sa tabong-ilog sa bayan ng Santa Maria, Ilocos Sur nakatira sina Rodenso Domingo, lumikas sila sa kapitbahay nang manalasa ang Bagyong Maring kamakailan.

Sa kanilang pag-uwi, wala nang dinatnang bahay sina Domingo dahil tuluyan na itong tinangay ng baha.

Nabalot din ng makapal na putik ang palayan kung saan nakiki-ani si Domingo, at inanod din ng baha ang kaniyang katulong na kalabaw.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko... walang kita," sabi ni Domingo.

Watch more on iWantTFC

Nakikituloy ngayon sina Domingo sa kapitbahay na si Cristena Batin, na may anihan ding nalubog sa baha.

Laking pasasalamat na lang ni Batin na hindi umano nawasak ang kaniyang bahay.

"Nagpapasalamat pa rin kami na kahit ganoon ang nangyari, buhay kami," ani Batin.

"Kinupkop namin sila para may matulugan, may masilungan," dagdag niya.

Karamihan sa mga taga-Santa Maria ay abala pa rin ngayon sa paglilinis ng makapal na putik na iniwan ng bagyo.

Habang hinaharap nila ang kawalan ng hanapbuhay sa mga susunod na araw, nagdala ng relief goods at hygiene kits ang ABS-CBN Sagip Kapamilya sa Barangay Cabaroan, Las Lasong Norte at Danuman East.

"Malaking tulong itong mga damit, groceries, bigas, kasi halos wala kaming naisalba," sabi ng residenteng si Marcelina Angel.

"Sana po huwag kayong magsawang tumulong sa mga nangangailangan," ani Batin.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News