Nasa P15 milyong halaga ng shabu ang nakuha sa 2 shipment mula Malasyai na idineklara bilang mga damit. Retrato mula sa Bureau of Customs
Nakumpiska noong Martes ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport ang nasa higit P15 milyong halaga ng shabu na nakatago sa mga damit galing Malaysia.
Ayon sa Bureau of Customs, nakuha ang nasa 2,300 gramo o higit 2 kilo ng shabu sa 2 shipment na idineklarang cloth at clothing na lumabas sa bodega ng forwarding company.
Nang inspeksiyunin, nakita ang droga sa mga plastic bag na may lamang pira-piraso ng tela at nakapagitna sa mga damit.
Nasa P15.64 milyon ang halaga ng nakuhang ilegal na droga.
Hindi pa nahuhuli ang pinagpadalhan nito pero patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Kung mahuli man ang nasa likod nito, mahaharap sila sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002, at restricted importation at unlawful importation sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act.
Noong nakaraang linggo, naharang naman ang pagpasok sa bansa ng P6.5 milyong halaga ng party drugs mula Germany.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.