PatrolPH

Bilang ng napapa-test vs. COVID-19 dapat itaas pa, ayon sa analyst

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2021 07:26 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Iginiit ng isang analyst na kailangan pa ring maitaas ang bilang ng testing output sa kabila ng pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. 

Sa harap ito ng pagluluwag ng protocols sa iba pang lugar, partikular na ang Metro Manila. 

Nitong nakaraang linggo, nasa 55,000 ang average tests na nagawa sa Pilipinas, na malayo sa 80,000 na tests na nagawa noong Setyembre. 

Ayon kay ABS-CBN Data Analytics Head Edson Guido, hindi pa naman nangangalahati ang nabawas sa testing at mas marami pa rin ang nabawas sa bilang ng mga nagpopositibo. 

"So ang sinasabi natin, mas malaki yung porsyento na binaba ng mga kaso kumpara sa porsyento ng pagbaba sa testing," ani Guido. 

Nasa 12 porsiyento pa ang positivity rate ng bansa, habang 5 porsiyento ang benchmark ng WHO. 

Ibig sabihin, kung taasan lang ang bilang ng testing, posibleng madagdagan din ang bilang ng magpopositibo sa virus. 

"Yung nakikita natin sa ibang bansa, talagang surveillance testing ang ginagawa nila. Kung saan talagang hinahanap nila yung nagpo-positive sa isang lugar para mas agresibo ang response. I would understand na magiging mahal talaga ito 'pag ginawa natin. Pero moving forward, if we want to really re-open and make sure that people will be safe habang sinusubukan nating i-revive ang economy, kelangan ready tayo with the other interventions," ani Guido. 

Ang ginagawa ngayon ay active case findings sa pamamagitan ng pagsunod sa mga komunidad at paggamit ng antigen tests. 

Pero ang resulta nito ay hindi pa rin naisasama sa bilang na inilalabas kada araw. 

Para sa Department of Health, dapat pag-igihan pa ang patuloy na pag-iingat sa protocols lalo na nakararanas na ng bahagyang pagluwag. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.