PatrolPH

73 anyos ama tinadtad ng saksak ng anak; suspek dati nang pinatay ang kapatid

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2021 06:00 PM

CULASI, Antique — Patay ang isang 73-anyos na ama sa Antique matapos siyang tadtarin ng saksak ng kaniyang anak.

Nakilala ang biktima na si Julieto Ayon.

Sa imbestigasyon ng Culasi police, tinadtad ng saksak ni Robert Ayon, 37, ang kaniyang ama sa gitna ng kanilang inuman noong Linggo dahil umano sa mainit na pagtatalo.

Mabilis na isinugod sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival matapos magtamo ng tama ng kutsilyo sa leeg, dibdib, at iba pang bahagi ng kanyang katawan.

Kaagad naman na nahuli ng mga awtoridad ang suspek.

Nasa kustodiya na ng Culasi police ang suspek at nasampahan na ng kasong parricide.

Napag-alaman na dati nang nakulong ang suspek matapos patayin nito ang sariling kapatid noong July 2020 pero nakalabas matapos bawiin ng kanyang ina ang kaso laban dito.

—Ulat ni Rolen Escaniel
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.