PatrolPH

Posibleng 'baby boom' dahil sa pandemya ituturing na 'blessing': Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 08:43 PM | Updated as of Oct 23 2020 08:21 PM

Posibleng 'baby boom' dahil sa pandemya ituturing na 'blessing': Palasyo 1
Si Addriy Hawaji, 27, ay 7 buwang buntis sa kuhang ito noong Agosto 5, 2020. Nasa labas siya ng Libingan ng mga Bayani at naghihintay ng abiso mula sa Hatid Tulong program ng pamahalaan para makauwi sa kaniyang probinsiya. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Para sa Malacañang, ang paglobo ng populasyon ay maituturing na biyaya dahil ang mga tao ang "greatest resource" ng pamahalaan para sa pag-unlad. 

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque nitong Martes matapos tanungin ukol sa projection na "baby boom" ng University of the Philippine Population Institute (UPPI) at United Nations Population Fund (UNFPA).

Ayon kasi sa UPPI at UNFPA, posibleng pumalo sa 2.5 milyon ang unplanned pregnancies o hindi inaasahang pagbubuntis sa Pilipinas sa katapusan ng taon. 

Pero sabi ni Roque, hindi itinuturing ng gobyerno na "bad news" ito.

Watch more on iWantTFC

"Well, unang-una po, bagama’t talagang dapat iplano po ang pamilya, hindi naman po bad news na marami din tayong mga naging anak. Our greatest resource is still our population. Okay, so we don’t view the children who will be born as a problem; we deal with them as blessing," ani Roque.

"We welcome these newborn Filipinos as blessings to the country, even if we would like to encourage people to plan their families," dagdag niya.

Bagama't sinabi ni Roque na kailangang tulungan ng gobyerno ang mga Pilipino sa pagpaplano ng pamilya, may naging limitasyon noong panahon ng lockdowns.

"Siyempre po kasi nag-lockdown tayo, hindi makakuha ng mga gamit na ginagamit ng mga nagrerelasyon o may mga asawa. But now that we are reopening the economy and there are now only localized lockdowns, I think iyong availability ng mga kinakailangan ng mga nagpaplano ng pamilya will be there again as they have been in the past," ani Roque. 

—Mula sa ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.