PatrolPH

DOJ binatikos dahil sa mga 'isiningit' sa IRR ng Anti-Terror Law

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 09:03 PM

MAYNILA — Nadagdagan pa ang mga pumupuna sa implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Act. 

Imbes kasi na linawin ang batas, lalo pa umanong napasama ito dahil sa inilabas na IRR na binuo ng Department of Justice (DOJ), ayon kay Edre Olalia, presidente ng National Union of Peoples’ Lawyers, isa sa mga nagpetisyon sa Supreme Court laban sa legalidad ng kontrobersiyal na batas.

Ayon sa kanya, isiningit sa IRR ang creative, artistic at cultural expressions sa listahan ng mga maaaring ituring na akto ng terorismo, kung ang pakay ay pumatay o manakit ng tao o lumikha ng panganib sa seguridad ng publiko, bukod sa iba pang layunin umano ng mga terorista. 

Madalas pa naman, idinadaan sa kanta, sayaw o iba pang pagtatanghal ang mga kilos-protesta.

"Ibig sabihin, subjective, puwede maging arbitraryo," aniya.

Ang isa pang kontrobersiyal na probisyon ang inciting to commit terrorism o ang pang-uudyok sa paggawa ng terorismo.

Kahit hindi sangkot sa aktuwal na paggawa ng terorismo, pero kapag may speeches, proclamations, writings, maging banners at iba pa na nang-uudyok para gawin ito, ay pinaparusahan din sa batas.

Ang tanong ng mga kritiko, paano malalaman kung ang sinasabi o sinusulat ng isang tao ay pang-uudyok ng terorismo?

Ayon sa IRR, gagamitin nito ang tinatawag na "reasonable probability of success test" sa pamamagitan ng pagsilip sa konteksto, katayuan ng nagsasalita, ang intensiyon, laman at paraan ng pagkakasabi at kung may kaugnayan ang sinasabi doon sa tinatawag na incitement o pang-uudyok.

"Naglalagay sila ng panibagong pamantayan o standard na wala naman sa batas o jurisprudence. Ngayon ko lang narinig 'yan ha, 'yung reasonable probability," ani Olalia. 

Ayon kay dating SC spokesperson Theodore Te, hindi pa malinaw ang pakahulugan ng reasonable probability of success test sa batas at dating mga kasong nadesisyunan ng Korte Suprema. 

Sa kasalukuyan, kapag ang laman ng sinasabi o sinusulat ang gustong pakialam ng mga awtoridad, ang "clear and present danger test" ang ginagamit. 

Ibig sabihin, kailangan ipakita na may malaking panganib na gustong iwasan ng gobyerno kaya pipigilan ang pagpapahayag. 

Kailangang lubhang seryoso ito at malaki ang posibilidad na malapit na itong mangyari.

Pero hindi ito ang ginamit sa IRR ng Anti-Terrorism Act. 

"Sobrang luwag ng standard kasi di natin alam — anong mga salita ba ang magiging udyok para gagawin niya ang terorismo... So medyo problematic," ani Te. 

Paliwanag ni Anti-Terrorism Council spokesperson Justice Undersecretary Adrian Sugay, may basehan ito.

"If I’m not mistaken, it comes from a specific Supreme Court decision and also from documents emanating from the United Nations."

Pero tanong ni Te: "Do they have the power to import a standard that the law itself does not use? Tingin ko wala."

Dagdag pa ni Sugay, sinubukan nilang balansehin ang interes ng estado na mapanatili ang kaayusan at ang mga karapatan ng mga mamamayan.

"It will always be the state’s exercise of police power pitted against, of course, our constitutional rights... You know that will always be problematic. I would like to think that when we drafted the IRR, we interpreted the ATA (Anti-Terrorism Act) exactly to mean that there is enough balance between these two competing interests," aniya.

Dumepensa naman ang Malacañang sa mga una nang batikos tungkol sa umano’y red-tagging kapag inilathala ng Anti-Terrorism Council ang listahan nito ng mga terorista. 

"Mayroon naman pong determination na mangyayari bago po sila mag-classify, ang isang tao as being terrorist. Kinakailangan pong ma-involve iyong buong anti-terrorism council. So hindi po pupuwedeng banta-banta lang iyan or tagging lang iyan; kinakailangan mayroon naman pong factual basis before it is published... Let us accord our public officers a presumption of regularity in their discharge of functions," ani Harry Roque, presidential spokesperson.

Dagdag pa ni Roque, kung may problema pa sa IRR at sa batas, puwede namang dumulog sa Korte Suprema.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.