PatrolPH

Putol na katawan ng endangered dolphin natagpuan sa baybayin ng Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2019 02:32 PM | Updated as of Oct 20 2019 04:05 PM

Putol na katawan ng endangered dolphin natagpuan sa baybayin ng Davao City 1
Nangangamoy na ang bangkay ng dolphin nang matagpuan ito. Ayon sa isang marine biologist, endangered na ang naturang dolphin. Photo Courtesy: Aries Desoacido

DAVAO CITY -- Natagpuang patay ang isang dolphin, na putol-putol ang parte ng katawan sa baybayin ng Times Beach, Barangay 76-A noong nitong Sabado nang umaga. 

Ayon sa residente na si Judith Acido, nangangamoy na ang patay na dolphin nang sumadsad ito sa baybayin.

"Putol na ang buntot niya. Nangangamoy na. May nakita kaming sugat niya" sabi ni Acido.

Isang Risso's dolphin ang natagpuang dolphin, na isang endangered species, ayon sa marine biologist na si Darrell Blatchley. 

Ayon kay Blatchley, maaaring napasama lang ang dolphin sa huli ng mga mangingisda at namatay kalaunan. 

Pero dahil aniya bawal itong hulihin at kainin ay pinutol na lang ang katawan nito at itinapon sa dagat. 

Gayunman, lumutang pa rin ang katawan ng dolphin at napunta sa baybayin kung saan ito natagpuan. Wala na rin ang tiyan ng dolphin nang matagpuan ito. 

"Sa aming observation normal sa mga fisherman by catch bawal sila pakunsumo i-cut nila para gawas tinae para isink sa dagat peru as we seen it nag-wash up on the beach," ani Blatchley.

Ito na ang pangalawang Risso's dolphin na natagpuang patay sa Davao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.