Lalaki timbog sa panggagahasa ng menor de edad sa QC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2019 09:29 AM

MAYNILA -- Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos itong ireklamo ng panggagahasa ng 14-anyos na babae sa Quezon City.

Kinilala ang suspek sa alyas Crisanto, isang pahinante ng truck. 

Dumulog sa barangay ang ina ng biktima, ayon kay Consuelo Eugenio, opisyal ng barangay council for the protection of children.

Base sa tala ng ina ng biktima, kinaladkad at ginahasa umano ng suspek ang menor de edad. Kita pa sa damit na suot ng biktima ang mga putik. 

Pinasinungalingan ng suspek na ginahasa niya ang dalagita. Magkarelasyon umano sila at ang biktima umano ang kusang naghubad ng damit. 

Hindi rin umano niya ito ginahasa pero inaming hinawakan niya sa maselang parte ang biktima.

Nasa kustodiya na ng QC Police District-Talipapa ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.