36 anyos huli sa pagbebenta ng pekeng sigarilyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2019 05:45 PM

Naaresto ang isang lalaking nagbebenta umano ng pekeng sigarilyo sa Sipalay City, Negros Occidental noong Huwebes.

Ayon sa hepe ng Sipalay PNP na si Police Lieutenant Colonel Necerato Sabando, may natanggap silang tip na nagbebenta umano ng pekeng mga sigarilyo ang 36 anyos na suspek.

Nahuli ang suspek sa Purok Pachoco, Barangay San Jose matapos na magbenta sa isang kustomer.

Nabawi ng PNP sa tricycle ng suspek ang 248 reams ng iba't ibang brand ng sigarilyo na may nagkakahalagang P3,000.

Nabatid na peke ang mga sigarilyo matapos ipasuri sa Department of Trade and Industry.

Ipinaalam na rin ng PNP sa mga tobacco manufacturer ang nakumpiska nilang mga produkto.

Nahaharap ang suspect sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code.

-- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.