Suspek sa pamamaril sa mag-asawang Korean national, patay

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 09:44 AM | Updated as of Sep 24 2019 03:37 PM

SILANG, Cavite – Patay ang isang hinihinalang holdaper matapos rumesponde ang pulisya sa pamamaril kung saan sugatan ang mag-asawang Koreano dito, Biyernes ng gabi.

Watch more in iWantTFC

May mga bakas pa ng dugo ang kalsada sa Barangay Lalaan II matapos ang pamamaril sa mag-asawang Koreano na may-ari ng isang hotel.

Nagtamo ang lalaking si Kim Hyun Sik ng tama ng bala sa tiyan habang sa hita naman nabaril ang asawa niyang si Ju Eun Suk.

Lulan ng kanilang sasakyan ang mag-asawa at pauwi na sana. Habang papasok sa masukal na daan, bumagal ang kanilang takbo dahil sa puno ng saging na nakaharang sa daan.

Modus operandi pala ito ng mga kawatan na nagtatago sa dilim at biglang pinaputukan ang mga biktima.

“'Yung lalaki po lumaban kaya tumakbo 'yung mga holdaper po,” sabi ni PO1 Ramil Legaspi.

Ang insidente ay ilang metro lamang ang layo mula sa Lalaan II Police Community Precinct.

Ayon sa pulisya, nabangga pa ng sasakyan ang isang lalaking tumatakbo palayo.

Nang lapitan ng police mobile, iika-ika na ang lalaki pero bigla umano silang pinaputukan ng baril.

Gumanti ng putok ang pulis at napatay ang lalaki. Nakatakas naman ang kasabwat niya.

Sinisiyasat pa ngayon ng Silang Police ang motibo sa pamamaril.

Nakuha sa crime scene ang dalawang sombrero at isang flashlight na posibleng ginamit ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.