SOCO: 'Serial rapist' sa Caloocan timbog muli matapos tumakas sa kulungan

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 02:11 PM

 

Limang buwan matapos tumakas sa kulungan, inaresto muli ang convict na si Albert Biol sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Southern Police District at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Aabot sa 17 kaso ng panggagahasa kasi ang isinampa laban kay Biol. Bukod pa ito sa mga kaso rin niyang carnapping, robbery with homicide, at illegal possession of firearms.

Ayon sa mga awtoridad, higit apat na taon na ring nakapiit sa Caloocan City Jail si Biol bago nito isinakatuparan ang planong pagtakas sa bilangguan.

“Pito silang nagpaplanong tumakas diyan sa may Caloocan City Jail. Ang ginagawa nila, binubutas pala nila 'yung kisame...Tapos nung akto na, 'yung mga kasama niya, binugbog 'yung jail guard,” ayon kay PO2 Adrian Yandan.

Kahit nakatakas, nagpatuloy pa rin ang pagdinig sa kaniyang mga kaso at kalaunan ay “guilty” ang naging hatol kay Biol para sa kasong rape through sexual assault.

Noong Setyembre, nakasagap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa kinaroroonan ni Biol.

“May concerned citizen na nagbigay ng information na located daw siya roon sa Pasay. Nagtatrabaho siya bilang foreman sa tinatayong bahay,” ani Yandan. 

Panoorin ang buong kuwento kung paano muling natimbog ang suspek sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, Oktubre 23, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.