Pinatay na barangay chairman sa Agusan del Sur, inilibing na

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 04:51 PM

ROSARIO, Agusan del Sur - Inihatid na ng mga kamag-anak at taga-suporta sa huling hantungan si Poblacion Barangay Chairman Julie Chua dito, Sabado ng umaga.

Hindi mapigilan ng mga tao ang pag-iyak dahil para sa kanila, malaking kawalan sa kanilang barangay ang pagkamatay ni Chua. 

Sa mensaheng ibinigay ng kapatid ng biktima, inalala nito ang kabutihang nagawa ng barangay chairman. Sigaw nito ang hustisya.

Naging emosyonal ang mga tao nang bigyan sila ng pagkakataong masilayan ang labi ni Chua sa huling pagkakataon.

Mula sa simbahan, nagprusisyon ang mga tao papunta sa sementeryo ng Rosario.

Nanawagan ngayon ang pamilya Chua sa awtoridad na bilisan ang imbestigasyon para mapanagot ang may kagagawan sa pagpatay kay Chua.

Ika-5 ng Oktubre nang barilin si Chua habang nasa terrace ng kaniyang bahay. Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa dibdib, tagiliran at paa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.