P900,000 halaga ng ‘shabu’ nasabat sa Muntinlupa

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 09:52 PM

Aabot sa P900,000 ang halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation sa parking lot ng isang mall sa Alabang, Muntinlupa City nitong Sabado.

Target ng operasyon si alyas Datu na umano'y nagsusuplay ng droga sa iba't ibang lugar sa Metro Manila. 

Unang nakipagkasundo si Datu na makipagkita sa operatiba sa isang mall sa Pasay City para iabot ang kalahating kilo ng shabu, ayon kay PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz.

Ngunit sinabi nitong kulang pa ang kaniyang suplay kaya't kumuha pa umano ang target sa ibang supplier at nakipagkita sa isang mall sa Muntinlupa. 

Nang tanggapin ng suspek ang pera at iabot ang droga ay dito na siya inaresto ng mga operatiba ng PDEA.

Ayon kay Datu, hindi siya ang nagtutulak ng droga at sumama lang siya sa kaniyang kakilala para mabigyan ng P10,000 ngunit aminadong alam niyang droga ang ibinebenta nito. 

Pero ayon sa awtoridad, nag-iisa lang ang suspek. 

Lumabas aniya ang pangalan nito sa mga pinagkukuhanan ng droga ng iba pa nilang naaresto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.