'No absent, no leave' policy ipatutupad sa mga taga-MMDA sa Undas

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 03:53 PM

MAYNILA - Mahigpit na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang "no absent, no leave policy" sa kanilang mga tauhan sa panahon ng Undas.

Ayon kay Bong Nebrija, pinuno ng MMDA Special Task Force for Operations, bawal lumiban sa trabaho ang higit sa 2,000 empleyado ng MMDA mula Okt. 27 hanggang Nob. 3.

Layunin aniya ng hakbang na matiyak na sapat ang tauhan na maide-deploy upang maging maayos ang daloy ng trapiko at ang pagbisita ng mga tao sa mga sementeryo.

Dagdag pa ni Nebrija, sinimulan na rin ang kabi-kabilang clearing operation sa South Cemetery sa Makati pati na rin sa bilihan ng bulaklak sa Dangwa flower market sa may Sampaloc, Maynila na kadalasang dinaragsa ng mga tao tuwing Undas.

Mag-iikot rin aniya ang MMDA sa pangunguna ni Chairman Danilo Lim sa mga istasyon ng bus upang siguraduhin na hindi nakainom ng alak ang mga drayber bago bumiyahe.

Nauna nang idineklarang "special non-working day" ng Malacañang ang Nob. 1 at 2 para sa Undas.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.