MMDA enforcer na nagpanggap umanong pulis huli sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 04:43 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:39 PM

Ayon sa PNP-CITF, nagawa pang magpakilala ng MMDA enforcer na si Emilio Guinto bilang pulis, pamangkin ng isang heneral, at isang pastor para makapangikil. Kuha ni Arra Perez.

Timbog sa entrapment operation ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang isang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) enforcer na isang taon na umanong nangingikil sa service vehicles ng isang offshore gaming company.

Watch more in iWantTFC

Sa video na kuha ng PNP-CITF, kitang pumasok sa fast food restaurant at may ibinulsang pera ang suspek na kinilalang si Emilio Guinto, na 14 taon na sa serbisyo. 

Nang pumasok sa kalapit na drugstore, dito na hinuli ang enforcer na nagpupumiglas pa. 

Siya ang itinuturo ng staff ng isang offshore gaming company na sa loob ng isang taon ay araw-araw umanong naniningil sa kanila ng P5,000 hanggang P12,000 kapalit ng hindi paghuli sa kanilang service vehicles na sinasabi ni Guinto na kolorum.

"May mga dokumento kaming ipinapakita, hindi nila ino-honor... Ino-offeran nila kami, kung ayaw daw naming maperwisyo, magbigay na lang kami ng para," kuwento ni alyas "Ariel."

Pero giit ng suspek, middleman lang siya ng mga complainant at iba pang MMDA enforcers na totoong nanghuhuli. 

"Yung ibibigay nilang pera, ibibigay ko dun sa nanghuhuli sa kanila," depensa ni Guinto.

Ayon sa PNP-CITF, nagawa pang magpakilala ni Guinto bilang pulis, pamangkin ng isang heneral, at isang pastor.

"Kami ay nasa sitwasyon ng internal cleansing na pilit naming nililinis ang kapulisan, pero mayroon pang mga ganitong klaseng tao sa labas na ang ginagamit nila sa paggawa ng masama ay ang pangalan pa ng ating PNP," ani Supt. Joel Estaris. 

Kinupirma naman ng MMDA na empleyado nila si Guinto at nagsasagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon.

Mahaharap si Guinto sa kasong extortion. Inaalam na rin kung may iba pa siyang kasama at nabiktima. 

Nanawagan ang pulisya sa publiko na tumawag sa kanilang 24/7 hotline upang agad maaksiyunan ang kanilang hinaing at di na magtagal pa gaya ng nangyari sa naturang offshore company.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.