Mag live-in partner timbog sa kasong robbery extortion

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 10:43 AM

Ilang taon na umanong kinikikilan ng mag-live-in partner ang isang pamilya sa Pampanga. Nasa P13 milyon hanggang P15 milyon umano ang nakuha nilang pera bukod sa bigas at medical supplies mula sa pamilya ng biktima. Gracie Rutao, ABS-CBN News

ANGELES CITY, Pampanga – Arestado ng awtoridad ang mag-live-in partner na umano’y kasapi ng New People’s Army (NPA) dahil sa reklamong pangingikil sa lungsod ng San Fernando, Biyernes ng hapon.

Nagbunga ang entrapment operation sa reklamong isinampa ng biktimang mula sa Barangay Balubad sa bayan ng Porac. 

Ayon sa biktima, ilang taon nang nangingikil sa kanilang pamilya ang mga suspek. Tinatayang aabot na sa P13 milyon hanggang P15 milyon ang nakuha ng mga suspek sa kanilang pamilya bukod pa sa mga bigas at medical supplies.

Base sa imbestigasyon, miyembro rin ang dalawang suspek ng Laxamana criminal gang na sangkot sa robbery extortion.

Narekober mula sa mga suspek ang boodle money na nagkakahalaga ng P50,000, marked money, dalawang cellphone, baril, mga bala at isang granada.

Sasampahan ng patong-patong na kaso ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.