ALAMIN: National feeding program ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 03:49 PM | Updated as of Oct 20 2018 04:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) noong Oktubre 12, nasa 3.1 milyong pamilya o mahigit-kumulang 13.3 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang nakararanas ng gutom. 

Pero ayon sa Saligang Batas, dapat bigyan ang bawat Pilipino, lalo na ang mga kabataan, ng masustansiya pagkain. 

Kaya dahil dito, isinabatas ang Republic Act No. 11037 o ang "Masustansyang Pagkain Para Sa Batang Pilipino Act", kung saan dapat magkaroon ng feeding program ang bawat pampublikong paaralan para sa mga undernourished na bata sa Pilipinas. 

Ayon sa isang abogado, kinakailangan itong isabatas para igiit ang karapatan na makakain ang mga bata ng masustansiyang pagkain, dahil aniya, may epekto rin ang wastong pagkain sa pag-aaral ng mga estudyante. 

"Pinagbabatayan [ng batas] 'yung mga pangangailangan ng mga bata, dahil gutom, at may pag-aaral na pag kulang ang sustansiya hindi buo o optimal ang kaniyang kakayahan na makuha ang kaniyang alam sa school," ani Atty. Noel del Prado sa Usapang de Campanilla nitong Huwebes. 

Sa ilalim nito, bibigyan ng isang masustansiyang pagkain ang mga estudyanteng undernourished sa loob nang hindi bababa sa 120 araw sa isang school year.

Sasailalim muna ang mga batang 3 hanggang 5 taong gulang sa supplemental feeding, kung saan pakakainin ng masustansiyang pagkain ang mga bata sa mga daycare.

Kapag nasa elementarya na sila, kakailanganin na munang sumailalim ng mga benepisyaryo sa libreng bakuna at physical examination. 

Dapat ring maglaan ng micronutrient supplements ang Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), kaakibat ang Department of Health (DOH) para sa mga mabebenepisyohan ng batas. 

Sa ilalim ng batas, dapat ding maglaan ang mga lokal na pamahalaan ng 20 porsiyento ng kanilang special educational fund para sa nasabing feeding program. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.