5 sugatan sa pagsalpok ng truck sa isang bahay sa Bataan

Rod Izon, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 09:47 PM

Nakausli pa ang trailer bed ng tractor head na aksidenteng bumangga sa isang bahay sa gilid ng Gapan-Olongapo Road sa Barangay Luacan, sa bayan ng Dinalupihan, Bataan, na ikinasugat ng limang miyembro ng isang pamilya. Larawan mula sa local government ng bayan ng Dinalupihan

DINALUPIHAN, Bataan—Pinaghahahanap ngayon ng awtoridad ang driver at ang may-ari ng isang trucking services na kompanya na taga-Nueva Ecija matapos umanong takasan ang aksidente na ikinasugat ng limang miyembro ng isang pamilya.

Base sa report ni Bataan police director Senior Superintendent Marcelo Dayag, inararo ng isang tractor head na may trailer bed ang isang bahay sa gilid ng Gapan-Olongapo Road sa Barangay Luacan, sa bayang ito noong Miyerkoles.

Naisugod sa Jose Payumo Hospital ang mag-asawang Valentin Rotaquio, 49; asawang si Lorena, 48; at tatlo nilang anak na sina Karen, 16; James, 14; at Eliezar, 11.

Ayon kay Dinalupihan Mayor Gila Garcia, pinatutugis na nila sa pulisya ang driver na tumakas matapos ang aksidente.

Bigo rin umanong lumantad ang may-ari ng AS Baldazo Trading and Trucking Services Inc. matapos na masangkot ang kanilang sasakyan sa aksidente.

Napilitan na ring gastusan ng lokal na pamahalaan ang paghugot sa tractor head at trailer bed mula sa bahay upang hindi na pagmulan pa ng panibagong aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.