3 patay, 3 nailigtas matapos matabunan ng lupa sa Baguio

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 09:50 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:46 PM

Tatlong construction worker ang patay habang 3 ang nailigtas matapos matabunan ng lupa sa Barangay San Luis, Baguio City Sabado. 

Na-rescue ang tatlo sa anim na construction worker pero nang gumamit ng back hoe para mapabilis ang paghuhukay sa tatlong iba pa, gumalaw umano ang lupa at nagkaroon ng pangalawang pagguho kaya tuluyan na silang natabunan.

Umabot ng dalawang oras bago maiahon ang kanilang katawan dahil na rin sa mga tumabong hollow block.

Watch more in iWantTFC

Nasa 18 hanggang 31 ang edad ng mga biktima. Dalawa ay magtiyuhin mula Pangasinan, habang ang isa ay taga-Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, hinuhukay ng mga trabahador ang paglalagyan ng pundasyon ng riprap ng bahay nang gumuho ang lupa pasado ala-una ng madaling araw.

Hindi nagbigay ng pahayag ang may-ari ng bahay dahil sa contractor daw sila direktang nakikipag-ugnayan.

Ayon naman sa contractor, aasikasuhin nila ang mga kakailanganin ng pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.